Mga ospital sa Cavite posibleng di kayanin ang dami ng dengue patients

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 06:41 PM | Updated as of Jul 22 2019 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy ang pag-akyat ng kaso ng dengue sa iba't ibang lugar sa Pilipinas nitong mga nakaraang buwan.

Sa probinsiya ng Cavite, umabot na sa 21 ang naitalang patay kaya naman idineklara na ang state of calamity sa naturang lugar.

Ang pediatric ward at maging ang hallway ng General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City, puno ng mga pasyenteng ginagamot dahil sa dengue.

Sa tala ng Cavite Provincial Health Office-Epidemiology & Surveillance Unit, mula Enero 1 hanggang nitong Hulyo 20 ay umabot na sa 4,108 ang nagka-dengue.

Mas mataas ito ng 48 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, kung saan 2,774 lang ang nagka-dengue.

Bilang ng mga nagka-dengue sa Cavite

  • Dasmariñas City → 913
  • Bacoor City → 403
  • General Trias City → 388
  • Gen. Mariano Alvarez → 345
  • Imus City → 333
  • Silang → 313
  • Carmona → 241
  • Trece Martires City → 193
  • Naic → 148
  • Tanza → 144
  • Indang → 136
  • Rosario → 118
  • Tagaytay City → 87
  • Cavite City → 64
  • Alfonso → 62
  • Kawit → 57
  • Noveleta → 48
  • Mendez → 39
  • Maragondon → 24
  • Amadeo → 20
  • Gen. Emilio Aguinaldo → 13
  • Ternate → 12
  • Magallanes → 7

TOTAL = 4,108

Pinakamalala ang kaso ng dengue sa Dasmariñas City, na nakapagtala na ng higit 900 biktima. Dito rin may pinakamaraming namatay sa bilang na 11, kumpara sa iba pang lungsod.

Dahil dito, idineklara na ng provincial government ang state of calamity sa buong Cavite para matulungan ang mga lugar na apektado.

Nangangamba rin ang provincial health office na baka hindi na kayanin ng mga ospital ang dami ng dengue patients.

"Baka dumating tayo sa ganoon na hindi na natin ma-admit ang mga patient," ani Dr. Nelson Soriano, head ng Epidemiology & Surveillance Unit ng Cavite province.

Payo ni Soriano, hindi lahat ng may dengue ay kailangan ma-confine bagkus ay iyong mga mga peligrosong kaso lamang.

"Ang advice po namin sa mga district hospital at saka sa mga munisipyo, iyung may warning signs lamang ang ia-admit sa hospital, 'yung po may mga dengue na without danger signs or warning signs, puwde naman po iyon i-treat sa bahay," ani Soriano.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.