Kapitana, 4 iba pa, sugatan sa pamamaril sa Leyte

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 06:59 PM

JARO, Leyte - Sugatan ang isang barangay chairwoman at 3 iba pa nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin Sabado ng gabi sa Barangay Hibucawan sa bayan ng Jaro, Leyte.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Estrella Geraldo, kapitana ng Barangay San Pedro sa bayan ng Tunga, Leyte.

Sugatan rin sina Leopoldo Po, isang negosyante, Aileen Po, isang guro at si Rachel Cuña.

Agad dinala sa ospital ang mga biktima matapos ang pamamaril.

Ayon pa sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng isang SUV ang mga biktima galing Tacloban City at pauwi na sa bayan ng Tunga, Leyte nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na sakay ng hindi pa tukoy na sasakyan.

Nasugatan rin sa pamamaril ang drayber ng SUV at nawalan ito ng kontrol sa manibela, sanhi ng pagkahulog ng sasakyan sa bangin malapit sa isang tulay.

Masuwerte namang hindi nasugatan ang isa pang lalaki at dalawang menor de edad na sakay din ng SUV.

Kasalukuyan iniimbestigahan ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.