Duterte tinulak ang death penalty, tinalakay ang West PH Sea sa SONA 2019

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 06:57 PM | Updated as of Jul 22 2019 09:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik sa parusang kamatayan (death penalty) at ipinaliwanag ang tindig niya ukol sa mga isyu sa West Philippine Sea sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes. 

Sa kaniyang isang oras at kalahating talumpati - ang ikaapat na niya sa kanyang termino - sa 18th Congress sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, muling hinimok ni Duterte ang mga mambabatas na magpasa ng panukala para ibalik ang death penalty para sa mga krimeng may kinalaman sa ilegal na droga at korupsiyon.

Karamihan ng mga mambabatas ay kaniyang mga kaalyado. 

"I respectfully request Congress to reinstate the death penalty for heinous crimes related to drugs as well as plunder," ani Duterte.

Ayon kay Duterte, laganap pa rin ang problema sa droga na nakatahi sa isyu ng katiwalian.

"The drugs will not be crossed out unless we continue to eliminate corruption that allows the social monster to survive," anang pangulo.

Inamin ni Duterte na talamak pa rin ang katiwalian sa kabila ng masigasig na kampanya laban dito. 

Binanggit niya ang mga tanggapan ng Land Transportation Office, Social Security System, Bureau of Internal Revenue, Land Registration Authority, at Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG sa pinakamaraming reklamo sa Contact Center ng Bayan.

Hinikayat ni Duterte ang publiko na magreklamo, manampal, at mag-eskandalo kapag nabiktima ng katiwalian.

WEST PH SEA

Nasa 15 minuto rin ang inilaan ni Duterte para ipinaliwanag ang kaniyang tindig sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Bagaman mananatili ang ating pag-angkin sa pinag-aagawang teritoryo, China ang may hawak nito ngayon kaya kailangang idaan sa maayos na pag-uusap ang problema, ayon kay Duterte.

"The avoidance of armed conflict and protection of our territorial waters and natural resources compel us to perform a delicate balancing act," ani Duterte.

"I am not ready or inclined to accept the occurrence of more destruction, more widows or more orphans, should war, even on a limited scale, breaks out," aniya. 

Umani ng batikos kamakailan si Duterte dahil sa isang verbal agreement kasama si Chinese President Xi Jinping na umano ay nagpapahintulot sa China na mangisda sa loob ng exclusive economic zone ng bansa. 

Pinuna rin siya sa kaniyang posisyon ukol sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank noong Hunyo.

Nangako ang pangulo na dadating ang panahong ipagtatanggol niya ang karapatan ng bansa sa sarili nitong katubigan.

"Short of expressly advocating a call to arms, there are those who stand up and stop those who fish in our economic zone. Of course, we will do that, in due time," anang pangulo.

KAHIRAPAN

Sinabi ni Duterte na malaki na ang nagawa ng kaniyang admnistrasyon pagdating sa pag-ahon sa kahirapan ng maraming Pilipino.

Ayon sa kaniya, 6 milyong Pilipino na ang nakaahon sa kahirapan sa loob ng kaniyang administrasyon.

Pero kailangan pa rin daw ipasa ang ikalawang package ng comprehensive tax reform program o ang Trabaho bill, na layong pababain ang corporate income tax at ayusin ang mga fiscal incentive, at makakatulong umano sa mga micro, small at medium entrepreneur.

Hiniling din ni Duterte sa mga mambabatas na aprubahan ang umento sa sahod ng mga manggagawa sa gobyerno, kasama ang mga guro at nars.

"I believe that it is now time for Congress to approve a new version of the Salary Standardization Law. Ngayon na," ani Duterte.

"This is intended to increase salaries of national government workers, including teachers and nurses," dagdag niya.

Iginiit din ng pangulo ang pagpasa ng mga batas na susulong sa pag-unlad ng mga lugar sa labas ng Maynila gaya ng government rightsizing bill, at ang National Land Use Act, na tutulong umano na ikalat ang mga economic activity sa mga lokalidad sa iba-ibang bahagi ng bansa.

BORACAY, MANILA BAY REHAB

Ipinagmalaki ni Duterte ang rehabilitasyon ng Boracay at sinabing simula pa lamang ito ng pagsasaayos sa mga tourist spot ng bansa.

"We cleaned and rehabilitated the island and allowed it to heal naturally," aniya. "Boracay island is just the beginning."

Sinabi rin ni Duterte na ipinamahagi niya sa mga katutubong Aeta ang agricultural land sa isla.

Ukol naman sa Manila Bay rehabilitation, binalaan ni Duterte ang mga establisimyento na patuloy na nagpapadumi sa katubigan.

"We will relocate informal settlers... and shut down establishments that continue to pollute and poison our waters," aniya. 

PANG-AABUSO SA OFWS

Iginiit din ni Duterte na "committed" siya sa pagpigil sa pang-aabuso sa mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa.

Masosolusyonan daw ito sa pagtatag ng Department of Overseas Filipino Workers.

Hiniling din ng pangulo ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience para sa mabilis na pagtugon sa mga lokalidad na sinalanta ng mga natural disaster, at Department of Water na hahawak at mangangasiwa sa water resources ng bansa.

Tinalakay din ng pangulo ang problema ng trapiko, na sanhi umano ng bilyon-bilyon pisong pagkalugi sa Metro Manila.

Inutusan ni Duterte ang mga lokal na opisyal at Metropolitan Manila Development Authority na i-reclaim ang lahat ng public roads na ginagamit sa pribadong paraan.

AGRIKULTURA

Tiniyak din ng pangulo na dadagdgan ng gobyerno ang pondo para sa agrikultura at buong pagpapatupad ng rice tariffication law.

Sinabon naman ng pangulo ang Landbank dahil sa hindi umano sapat na investments sa agrikultura. Sinabihan ng pangulo na pumunta ang Landbank sa mga lokalidad at tulungan ang kooperatiba ng mga magsasaka.

Humiling din ng suporta ang pangulo sa mga batas na layong palakasin ang seguridad ng bansa, kasama ang panukalang pagbalik ng mandatory Reserve Officers' Training Corps para sa mga nasa Grade 11 at 12.

Kung may nasabon, pinuri naman ng pangulo ang ilang miyembro ng Gabinete na nag-ambag sa programang "Build, Build, Build" ng pamahalaan.

Tiniyak din niyang walang katiwalian sa pagpasok ng pangatlong telco at malaki rin daw ang naitulong sa mga maliliit na negosyo ng mga programa ng Department of Trade and Industry.

Bago matapos ang talumpati ay binira ni Duterte ang mga kritiko na nais siyang panagutin sa mga umano ay extrajudicial killing sa International Criminal Court (ICC).

Nagbiro pa ang pangulo na kung mabibigyan siya ng komportableng kulungan at conjugal visits ay posible raw niyang harapin ang ICC.

Nagsimula ang SONA bandang alas-5:15 ng hapon, isang oras matapos ang nakatakdang oras ng pagsisimula dahil late dumating si Duterte .-- May ulat nina Alvin Elchico, Pia Gutierrez, at Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.