P4-milyon palay nasira ng baha sa San Luis, Pampanga

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2018 05:59 PM | Updated as of Jul 23 2019 03:06 PM

Nagmamadaling inani ng mga magsasaka ang kanilang tanim na palay sa San Luis, Pampanga Linggo. ABS-CBN News

 SAN LUIS, Pampanga -- Pumalo na sa P4 milyon ang halaga ng danyos sa agrikultura sa bayang ito matapos malubog ang ilang palayan sa baha na dulot ng ilang araw na pag-ulan. 

Ito ang kinumpirma, Linggo, ni San Luis Mayor Venancio Sagum-Macapagal kasabay ng paghingi ng ayuda mula sa national government. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Limang barangay aniya sa San Luis ang apektado ng baha mula sa patuloy na pagtaas ng tubig sa Pampanga River. 

Nagkumahog na ang ilang magsasaka na anihin ang kanilang mga palay, pero pinangangambahan nilang masisira pa rin ang mga ito kung magpapatuloy ang mga pag-ulan at hindi ito mapapatuyo. 

Nagtatampisaw ang isang bata sa baha sa Barangay San Juan sa San Luis, Pampanga. ABS-CBN News

Sa Barangay San Juan, 100 bahay naman ang nalubog sa abot-tuhod dahil sa pag-apaw ng ilog. Wala pang lumilikas na residente, ayon sa kapitan ng barangay. 

Inaasahang palalakasin ng Bagyong Josie hanggang Lunes ang habagat, na nagdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon at Western Visayas, ayon sa state weather bureau. 

Bisitahin ang ABS-CBN Weather Center para sa iba pang ulat-panahon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.