Marikina River lagpas 17-metro na; 3,000 lumikas

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2018 11:41 AM | Updated as of Jul 23 2019 03:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Lumagpas na sa 17-metro ang lebel ng tubig sa Marikina River ngayong Linggo, dahilan para lumikas ang nasa 3,000 residenteng nasa paligid nito kasabay ng mga pag-ulan, ayon sa mga lokal na opisyal.

Nasa 17.4 meters ang lebel ng Marikina River alas-10 ng umaga, ayon sa rescue office ng lungsod.

 

"Masyadong malaki ang volume na nanggagaling sa upstream, bumababa ngayon sa Marikina River... Kung patuloy na uulan, maaaring patuloy na tumaas pa ang level ng tubig," ani Marikina Mayor Marcelino Teodoro sa panayam ng DZMM.

Nananatili ang alert level 2 sa ilog, hudyat para magkasa ng preemptive evacuation para sa mga residente, dagdag ng rescue office.

Nasa 775 pamilya o 3,532 na indibidwal ang nakikisilong sa mga evacuation centers ng lungsod pasado alas-10 ng umaga, ani Teodoro.

Abot tuhod naman aniya ang pinakamalalim ng baha sa ilang lugar.

"Hindi [ito] katulad noong mga nakaraang taon na kapag ganitong kataas [ang Marikina River], lubog na ang isang palapag ng bahay," dagdag ni Teodoro.

Hinikayat ng alkalde ang mga residente na iwasang magpunta malapit sa ilog at lumusong sa tubig-baha.

Nakakaranas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dahil sa habagat na pinalalakas ng Bagyong Josie. Inaasahang magpapatulog ang mga pag-ulan hanggang Lunes, kung kailan ihahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang ika-3 State of the Nation Address, ayon sa state weather bureau.

Nagdeklara na ng state of calamity ang ilang bayan dahil sa lagay ng panahon.

May ulat ni Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.