7-talampakang sawa nahuli sa Marikina; residenteng humuli natuklaw

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2018 04:36 PM

MAYNILA - Dinala sa ospital ang isang residente sa Barangay Malanday sa Marikina City ngayong Linggo matapos matuklaw ng sawa na tinatayang 7 talampakan ang haba.

Hinuhuli umano ng lalaki ang sawa sa may Libis, Bulelak sa kasagsagan ng mga pag-ulang dala ng hanging habagat nang siya ay matuklaw ng ahas sa kamay.

Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan inilagay na sa state of calamity ang Marikina habang patuloy na nakataas ang ikalawang alarma sa ilog doon.

Kinansela na rin ang klase sa lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan sa Marikina bukas, Lunes, dahil sa masamang panahon.

Ang mga pag-ulan ay dala ng habagat na pinalalakas naman ng bagyong Josie. Sabi ng PAGASA, magpapatuloy ang mga pag-ulan lalo't posible pang maging tropical storm si Josie. --ulat ni Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.