Sesyon sa martial law extension, binulabog ng protesta

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 12:52 PM | Updated as of Jul 22 2017 09:32 PM

Saglit na nabulabog ang sesyon ng Kongreso tungkol sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao nang biglang magsisigaw ang ilang nanonood sa plenaryo.

Habang nagtatanong si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio kung bakit kailangang palawigin nang hanggang limang buwan ang batas militar, biglang naulinigan ang mga sumisigaw ng 'no to martial law'.

May dala ring placards ang mga nanggulo sa sesyon.

Agad pinalabas ng plenaryo ang mga nanggulo.

Samantala, nagprotesta sa labas ng Kamara ang ilang grupong tutol sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Daan-daang miyembro ng mga grupong ‘Anakpawis’, ‘Gabriela’, ‘Kadamay’, at ‘Piston’ ang nagmartsa mula Sandiganbayan papunta sa South Gate ng Batasan Pambansa.

Hindi naman pinigilan ng mga pulis ang mga demonstrador na makalapit sa Batasan complex pero tiniyak nilang di sila makalulusot sa gate ng Kamara.

Nakaposte rin sa lugar ang mga pulis para mapanatili ang kaayusan habang nagkakaroon ng joint session ang Kongreso tungkol sa hiling na martial law extension sa Mindanao ni Pangulong Duterte.

Inaasahang magpoprotesta ang mga militante hanggang alas-10 ng gabi o hanggang magkaroon ng desisyon ang mga mambabatas tungkol sa martial law extension. -- May ulat nina Sherrie Ann Torres at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News