Pulis Maynila, arestado sa pangongotong

Mike Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 10:18 AM

MANILA- Timbog ng Counter Intelligence Task Force ng Camp Crame ang isang pulis-Maynila na inireklamo ng robbery-extortion.

Sa ikinasang entrapment operation sa Pier 2, Tondo, Maynila, nakwelyuhan si PO1 Raymund Gulapa ng Station Drug Enforcement Team ng Manila Police District Station 11, habang nakatakas naman ang umano'y kasabwat niya na si PO1 Raymond Casas.

Bago ang operasyon, inireklamo si Gulapa dahil sa panghihihingi umano ng P15,000-- na paglaon ay natawaran pa ng P10,000 --kapalit ng pagpapababa ng kaso ng drug suspect na si Jayvare Manubag, na naaresto noong Hulyo 7 matapos mahulihan ng droga.

Dinala na sa Camp Crame ang naarestong pulis para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Kumpiskado naman kay Gulapa ang kanyang issued firearm na .9mm Glock pistol at isang kalibre .38 na revolver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.