Paalala: Pagyoyosi sa pampublikong lugar, bawal na simula Hulyo 23

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 07:10 PM

Simula bukas, Hulyo 23, ipatutupad na ang kautusang nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa. 

Sa panayam ng DZMM, ipinaalala ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary Eric Tayag na hindi na maaaring magyosi sa lahat ng pampublikong lugar kabilang na ang mga sasakyan.

“Tricycle, sa LRT, sa barko, sa ferry, sa eroplano… Ito ay umaandar po o nakatigil, basta pampasahero po, pampubliko po ‘yan, bawal po,” ani Tayag. 

“Mananagot po ang drayber o kaya ang may-ari ng prangkisa po,” dagdag pa ni Tayag.

Ipinaalala rin ni Tayag ang mga panuntunan kung maglalagay ng smoking area sa mga establisyimento.

“Ang smoking area dapat ay enclosed structure, kung indoor po ‘yan, mayroon pong buffer zone… Kung sa open space po ‘yan, outdoor, dapat enclosed din po ang structure po. Hindi po puwede iyong parang sa labas lang ng bakod. Kung mayroon kayong garden diyan, hindi po puwede. Rooftop hindi rin puwede,” pahayag ni Tayag.

Bukod pa rito, pinayuhan ni Tayag ang mga may-ari ng establisyimento na alisin na ang mga ash tray o lagayan ng abo ng sigarilyo sa mga lugar na bawal at maglagay na ng karatula bilang paghahanda sa implementasyon ng Executive Order 26 o ang nationwide smoking ban.

“Ang tingin po namin, dapat tinatanggal na lahat ng ash tray. Iyon na ang una nilang gagawin ngayon. Para bukas, wala nang ash tray. Tapos nakahanda na ang karatula niyo na ‘no smoking’, ‘bawal manigarilyo.’”

Nagbabala si Tayag na maaaring ipasara ang isang establisyimento kapag umabot ito sa ikatlong paglabag.

Nagbigay din ng payo si Tayag sa mga magsusumbong sa mga lumalabag sa smoking ban.

“Kung kayo po ay magsusumbong, hindi po tao ang isusumbong niyo kundi ang establisyimento kung saan nakita niyong may mga naninigarilyo, kung saan pinagbabawal ang paninigarilyo.”

Dagdag pa niya, maaaring isumbong sa pulis at local government units ang mga paglabag. Huwag na rin aniyang makipag-away sakaling may makitang naninigarilyo sa pampublikong lugar at ipagbigay-alam na lamang ito sa mga awtoridad.

Ibinigay rin ni Tayag ang numerong 02-711-1002 kung saan puwedeng magsumbong kaugnay ng smoking ban.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.