P600k halaga ng shabu, nasabat sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 11:47 PM

Mahigit P600,000 halaga ng ilegal na droga ang nasabat sa mag-live-in partner sa Barangay San Andres 2, bayan ng Bacarra, Ilocos Norte nitong Biyernes.

Timbog sina Arnel Reyes, 40, at Norma Michelle Llacuna, 39, sa isang buy-bust operation.

Kunwaring binili ng mga operatiba ang isang sachet ng hinihinalang “shabu” mula sa mga suspek na nagkakahalaga ng P1,000.

Bukod dito ay nakuha rin ang 11 sachets ng hinihinalang ilegal na narkotiko, isang ice bag ng shabu, weighing scale at iba't-ibang drug paraphernalia. 

Umabot sa P611,000 ang halaga ng mga nakumpiskang “shabu” sa mga suspek. 

Ayon sa pulisya, dating drug surrenderee si Reyes at may nakabinbin itong kasong konektado sa ilegal na droga. Si Llacuna naman ay nasa drug watchlist ng pulisya.

Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Tumanggi namang magbigay ng komento ang mga suspek sa akusasyon sa kanila. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.