Mga sasakyan sa Commonwealth, hinawi para sa SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 04:40 PM | Updated as of Jul 22 2017 07:21 PM

Nagkasa ng operasyon ang Metropolitan Manila Development Authority para alisin ang mga nakahambalang na sasakyan sa Commonwealth Avenue na posibleng daanan ng Pangulo at ng mga raliyista sa State of the Nation Address ngayong Lunes. 

Sinuyod ng mga MMDA enforcer ang kahabaan ng Commonwealth Ave. para sa mga sasakyang ilegal na nakaparada at sadyang nakatigil sa kalsada. 

Isa sa mga nahatak na sasakyan ng MMDA ay isang SUV na nakaparada sa bangketa.

Nagkainitan pa ang tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialago at ang may-ari ng sasakyang ito dahil pinagmumura umano ng lalaki ang enforcer nang siya ay masita. 

"Alam naman nila na kapag ito-tow sila, dapat nakababa 'yong handbrake para ho tuluyang madala 'yong sasakyan. So ang gusto niya masira. Ayaw lang ho natin nakikipag-away sa uniformed personnel ng MMDA. What we want is respect sa mga kawani ng gobyerno," ayon kay Pialago. 

Sinubukan pang magmaneho paalis ang may-ari ng sasakyan nang hahatakin na siya. Paliwanag niya, pinayagan sila ng paaralan na pumarada roon. Gayumpaman, ayon sa MMDA, bawal pa rin iyon. 

Sa huli ay humingi ng dispensa ang lalaki. 

"I know your mandato, and I apologize if I verbally said something. I really apologize. Nabigla lang ako," ayon sa may-ari ng sasakyan. 

Matapos ang clearing operations ngayong araw, ayon sa MMDA, asahan na rin umano ang buong puwersa nila sa pagmamando ng trapiko sa Lunes. 

"Hindi lang ho tayo focused sa dadaanan ng pangulo, maging mga pupuntahan ng mga raliyista, clear of obstruction," ayon kay Pialago. 

Dagdag pa ng MMDA, paiigtingin pa ang clearing operations na gagawin nila araw-araw pagkatapos ng SONA. 


-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.