Mga militante, nagprotesta sa harap ng US Embassy

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 08:17 PM

Nagkaroon ng girian sa pagitan ng mga militanteng grupo at mga pulis sa tapat ng US Embassy nitong Sabado. 

Panawagan nila na tapusin na ang martial law sa Mindanao na nagpapahirap umano sa mga Pilipino. 

Kabilang rin sa kanilang mga ipinanawagan ang ibang isyu tulad ng imperyalismo, reporma sa lupa, kontraktuwalisasyon at iba pa umanong napakong pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tumagal ng higit isang oras ang kilos-protesta ng mga grupong Bayan Southern Tagalog, Migrante Southern Tagalog, Gabriela Cavite at iba pang grupo.

Ayon sa awtoridad, walang seryosong nasaktan sa naging girian, pero nagdulot ng matinding pagbagal sa traffic ang programa. Isinara sa mga motorista ang NB lane ng Roxas Boulevard ng higit isang oras at service road lang ang nadaanan.

Magpapahinga muna sa Mendiola ang mga militante bago ang iba pang mga kilos-protesta bukas hanggang Lunes kasabay ng pangalawang State of the Nation Address ng pangulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.