Barangay kapitan, 7 iba pa huli sa drug bust

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 06:06 PM

MAGUINDANAO– Walong katao ang arestado, kabilang na ang isang barangay chairman, sa isinagawang anti-illegal drug operation sa General Salipada K. Pendatun, Maguindanao, Sabado ng umaga.

Nakilala ang mga naaresto na sina Midconding Barangay Chair Datumama Abdul, Darex Maslamama, Datukung Membaba, Mujahid Menbida at apat na menor de edad. 

Nahuli ang mga suspek ng mga sundalo mula sa Philippine Army 33rd Infantry Battalion, pulis mula sa Criminal Investigation and Detection Group at mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency na nagkasa ng anti-illegal drug operation.

Narekober ang tatlong fragmentation grenades, dalawang rounds ng 40 MM na explosives, 5 rounds ng 50-caliber ammunition, apat na sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia mula sa bahay ng barangay chairman.

Ayon sa awtoridad, kabilang ang kapitan sa kanilang drug watchlist.

Pero itinanggi ni Abdul na may kinalaman siya sa kalakaran ng ilegal na droga.

Nakatakdang magsampa ang awtoridad ng mga kasong illegal possession of explosives at ammunition at drug possession laban sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.