PatrolPH

Taal evacuees na tumutuloy sa mga pribadong bahay, hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 01:25 PM

Taal evacuees na tumutuloy sa mga pribadong bahay, hinatiran ng tulong 1
Hinatiran ng tulong ng lokal na pamahalaan ng Batangas City ang mga Taal evacuee na nakatira sa mga pribadong bahay sa kanilang lungsod. Dennis Datu, ABS-CBN News

Patuloy na hinahatiran ng tulong ang mga pamilyang tumutuloy sa mga pribadong bahay sa Batangas City dahil sa pag-alboroto ng Bulkang Taal.

Nasa 47 pamilya o higit 100 indibiduwal ang pansamantalang tumutuloy sa mga bahay sa iba't ibang barangay sa lungsod.

Sila ay mula sa mga bayan ng Lemery, Taal, San Nicolas, Agoncillo, Laurel at Talisay na lumikas nang muling nag-alboroto ang bulkan simula noong Hulyo 1.

"Mayroon naman po kami nakalaan na goods para sa disaster. Naglaan po ang lokal na pamahalaan... Kaya talagang inaalam namin kung ano barangay ang mayroon [evacuee]," sabi ni Nicanora Marasigan, social welfare officer sa Batangas City.

Bukod sa mga nakikitira sa mga pribadong bahay, may mga evacuee rin na nananatili sa mga paaralan at iba pang gusaling ginawang evacuation center.

Sa pinakahuling ulat na inilabas ng NDRRMC nitong Lunes, may 5,362 pamilya o 18,976 katao umano ang lumikas mula sa 123 na apektadong barangay.

Sa bilang na ito, 1,614 pamilya o 5,751 katao ang nasa 25 na evacuation centers.

Nananatili ang Alert Level 3 sa Bulkang Taal.

Dahil sa posibilidad na magkaroon ng mas malakas na pagputok ang bulkan, minamadali na rin ang pagtatayo ng evacuation complex sa Barangay San Isidro, Batangas City.

"Ang kaya itong i-cater ay hindi lamang Batangas City kundi lahat ng katabing bayan at buong probinsya ng Batangas," anang barangay chairman na si Boyet Malibiran.

Habang wala pa ang itinatayong complex, mananatili muna sa mga tinutuluyang bahay ang mga evacuee at babalik na lang daw sa kanilang mga bayan kapag siguradong kalmado na ang bulkan.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.