PatrolPH

Magsasaka na umawat sa away, patay sa pananaksak sa Northern Samar

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 12:55 PM

Patay ang isang magsasaka matapos na undayan ng maraming saksak ng kaniyang pamangkin sa Sitio Bun-ot, Barangay Bubulosan, sa bayan ng Laoang sa Northern Samar.

Nakilala ang nasawi na si Francisco Lagrimas, 64-anyos.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nag-inuman muna ang biktima at pamangkin nitong suspek na si Angelo Adora Lagrimas, 21, kasama ang kanilang mga kaibigan.

Pagkatapos ng inuman umuwi ang biktima kasama ang kaibigan nito. Pero pagbalik ng biktima, nakita nito na nag-aaway ang suspek at ang live-in partner nito.

Sinubukan na awatin ng biktima ang kanyang pamangkin pero 
nasaksak siya ng ilang beses gamit ang kutsilyo.

Nagtamo ng pitong sugat sa katawan ang biktima na siyang dahilan nang agarang niyang pagkamatay.

Hawak na ng Laoang Municipal Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong homicide.

- Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.