PatrolPH

Ilang kalsada sa Metro Manila binaha dahil sa ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 05:18 PM | Updated as of Jul 21 2021 06:52 PM

Ilang kalsada sa Metro Manila binaha dahil sa ulan 1
Baha sa Kalaw Avenue, Maynila, Hulyo 21, 2021. Bianca Dava, ABS-CBN News

Nalubog sa baha ngayong Miyerkoles ang ilang kalsada sa Metro Manila dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Nagdulot ang pagbaha ng mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Taft Avenue at Roxas Boulevard.

Sa Kalaw Avenue sa Maynila, umabot hanggang tuhod ang baha kaya nahirapang tumawid ang mga tao. May ilan namang batang naglaro sa baha.

Sa kanto ng Maria Orosa Street at Finance Road sa Maynila, isang kotse ang nabagsakan ng puno sa kasagsagan ng ulan pero wala namang nasaktan.

Pinabagal din ng baha ang usad ng mga sasakayn sa may San Andres at isang kotse pa ang tumirik matapos tangkaing lumusong sa baha.

Watch more on iWantTFC

Pinasok din ng baha ang chapel ng Philippine General Hospital.

Binaha rin ang ilang lugar sa Las Piñas City.

Sa video na kuha ng Bayan Patroller na si Anna Mayor, makikitang napasok ng baha ang kanilang bahay sa Barangay Manuyo Dos kaya agad nilang inangat ang mga appliance.

Dahil din sa mga ulan, sinuspende ang pasok sa Senado simula ala-1 ng hapon maliban sa mga nakatalagang security perosnnel sa gusali.

Sinuspende rin ng Supreme Court ang pasok sa kataas-taasang hukom at lahat ng korte sa Metro Manila simula tanghali.

Bumuhos ang ulan dahil sa habagat na pinalakas ng Bagyong Fabian at Tropical Storm Cempaka.

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.