PatrolPH

Bayan Mo i-Patrol Mo: Pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila dulot ng malakas na pag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 06:11 PM

 

MAYNILA — Ilang bahagi ng Metro Manila ang nakaranas ng pagbaha na dulot ng malakas na pag-ulan ngayong Miyerkoles.

Video mula kay Quinto Peñamante.

Sa kuhang video ni Bayan Patroller Michael Quinto Peñamante mula sa Malate, Manila kaninang tanghali, makikitang halos kalahating metro na ang baha sa kanilang lugar. 

Kwento ni Quinto, simula kagabi ay pabugso-bugso na ang pag-ulan na naging sanhi ng pagbaha. 

“Medyo putol-putol ang pag tulog ko dahil sa pinakikiramdaman ko ang panahon. Lumakas ng bandang alas-12 humina hangang alas-2 (ng madaling araw) at nagtuloy-tuloy ang paglakas hangang alas-4 ng madaling araw,” aniya.

Sa kasalukuyan ay mahina na ang pag-ulan sa kanila, dagdag pa niya. 

Video mula kay Anna Mayor.

 

Nakuhanan naman ni Bayan Patroller Anna Mayor ang baha sa Barangay Manuyo Dos, Las Piñas City kaninang 10:42 ng umaga. 

Sa video ni Mayor, makikitang napasok na ng baha sa loob ng bahay nila, at inangat na rin nila ang mga appliances. 

Kwento niya, nagsimulang umulan bandang alas-9 ng umaga. 

 

Samantala, kahit baha na, hindi umalis ang mga nais magpabakuna kontra coronavirus disease (COVID-19) sa isang vaccination site sa Maynila.

Makikita sa mga larawan ang pagtaas ng tubig-baha sa labas ng San Andres Sports Complex na itinalagang vaccination site sa Malate.

Ayon sa PAGASA, dahil sa habagat na pinalalakas ng bagyong Fabian, makararanas ng mga pag-ulan sa susunod na 24 hours ang rehiyon ng Ilocos, Cordillera Administrative Region, Batanes, mga Isla ng Babuyan, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at ang hilagang bahagi ng Palawan, kasama ang mga Isla ng Calamian at Kalayaan.

—May ulat ni Mores Heramis, ABS-CBN News; Cielo Gonzales at Sarah Sales, Bayan Mo, I-Patrol Mo

Ilang mga tips sa gitna ng baha:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.