PatrolPH

Construction worker sa Batangas, patay matapos mabaril ng kainumang foreman

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 09:40 PM

LEMERY - Patay ang isang construction worker nitong Martes nang umano’y aksidenteng mabaril ng kanyang foreman sa Barangay Cahilan 2 sa bayan na ito, ayon sa awtoridad.

Batay sa imbestigasyon ng Lemery Municipal Police Station, pagkatapos ng trabaho sa ginagawang tulay sa nasabing barangay, nag-inuman ang suspek na taga-Samar at ang biktima na taga Calamba City, Laguna kasama ang 2 iba pa. 

Sa gitna raw ng inuman, kinuha ng suspek ang pag-aaring baril at pinaglaruan sa harap nila.

“Yung suspek kinuha yung kanyang baril nilalaro niya, tapos walang bala yung baril, pinapaikot niya yung cylinder tapos binabalik kinakalabit tapos medyo nakainum na nilagyan niya ng bala, pinaikot niya cylinder, tinutok dun sa kasamahan, pumutok, patay," ani PSMS Mafriel Magpantay, officer on case sa naturang police station. 

Tinamaan ng bala sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay, ayon pa sa pulis. 

PANOORIN

Watch more on iWantTFC

Ginigising pa raw ito ng suspek pero noong malamang patay na, agad itong tumakas.

Nahuli sa Brgy. Bihis, Sta. Teresita, Batangas ang suspek at nakuha ang kalibre .38 revolver na baril na may laman pang bala.

“Wala silang alitan, wala silang pinagtalunan, base yun sa statement ng mga witness na kinuhanan ng salaysay," ani Magpantay.

“Nagtangka siyang tumakas pero nahuli rin, pa-filean pa lang bale tapos na yung salaysay ng mga witness at saka nung complainant, hinahantay na lang yung death certificate para ma-file-an ng kaso," dagdag niya. 

Napag-alaman ng pulisya na hindi rehistrado ang nasabing baril. 

“Unang-una, dapat... ang baril, lisensyado man o hindi, ay huwag na huwag gagawing laruan lalo na kung nakainom, 'yan kasi ang kakulangan sa mga nag-iingat ng baril na hindi sila nagkaroon ng proper seminar at proper seminar sa proper handling," sabi ni Magpantay. 

"Dapat ay talagang hindi basta-basta ang paghawak ng baril, yan ay may kaukulang training para ikaw ay maging responsible gun owner.”

Sa Huwebes nakatakdang sampahan ng kasong homicide ang suspek.

- Ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.