PatrolPH

Ilang bahagi ng Bataan at Pampanga binaha dahil sa malakas na ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 03:54 PM

Ilang bahagi ng Bataan at Pampanga binaha dahil sa malakas na ulan 1
Macabebe, Pampanga. Kuha ni Jayson Balingit. Gracie Rutao

Nalubog sa baha nitong Miyerkoles ang ilang kalsada sa Bataan at Pampanga dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Sa Barangay Sta. Maria sa Macabebe, Pampanga, walang magawa ang mga residente kundi sumulong sa baha.

Apat na araw na ang tubig sa kanilang lugar dulot ng ulan na dala ng Bagyong Fabian na pinalala pa ng hanging habagat. Dahil sa high tide, tumataas ang tubig araw-araw sa lugar.

Sa bayan ng Guagua, pasakit sa mga motorista ang road upgrading sa Barangay Sta. Filomena. Naipon kasi ang tubig mula sa walang tigil na ulan mula pa noong weekend.

Binaha rin ang ilang bahagi ng Balanga City, Bataan dahil sa matinding buhos ng ulan mula pa Martes ng gabi. Kaya pansamantalang hindi makadaan ang mga light vehicle sa northbound at southbound dahil sa tubig na lampas 1 talampakan.

Samantala, bahagya namang tumataas ang tubig sa ilang parte ng Mariveles, Bataan.

Nitong Miyerkoles ng umaga, nag-abiso ang mga awtoridad sa mga residenteng nakatira sa tabi ng dagat na lumikas dahil sa malalakas na hampas ng alon.

Ayon sa PAGASA, inaasahang magtatagal pa hanggang weekend ang pag-ulan sa Central Luzon.

"Asahan po natin 'yan. Ito po ay dulot ng habagat na pinalakas ng 2 bagyo. 'Yung isang bagyo si Fabian at 'yung isa naman 'yung dating low-pressure na naging Bagyong Cempaka," ani Manuel Esguerra Jr., chief meteorologist ng PAGASA-Clark.

Karamihan ng pag-ulan ay mararanasan sa Metro Manila at Southern Luzon na naka-orange rainfall warning. Nasa yellow rainfall warning naman ang lalawigan ng Pampanga. Ibig sabihin, malakas ang pag-ulan sa loob ng 1 oras at susunod pang 2 oras.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC

-- Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.