PatrolPH

Ilang bahay sa Cavite nawasak dahil sa malakas na alon, hangin

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 06:05 PM | Updated as of Jul 21 2021 06:58 PM

Watch more on iWantTFC

Nawasak ang mga bahay sa tabingdagat sa bayan ng Tanza, Cavite dahil sa lakas ng hangin at alon na dala ng habagat.

Sa tala ng lokal na pamahalaan, nasa 20 pamilya ang nawalan ng tirahan sa mga barangay ng Amaya 5, Capipisa, at Halayhay.

Pero kahit na patuloy na lumalakas ang alon at hangin, marami ang mas pinipiling manatili pa rin sa lugar.

"Ang lagi nila sinasabi sanay na sila dito lalo na kapag araw dumarating ang ganitong laki ng alon," sabi ni Julieta Aquino, kagawad ng Barangay Amaya 5.

"Pero 'pag gabi po pinalilikas namin talaga, puwersahan, may pulis na kami isinasama," ani Aquino.

Sinisikap din ng mga residente na kumpunihin ang mga nawasak na barong-barong.

Naka-heightened alert naman ang Philippine Coast Guard sa Cavite dahil sa pananalasa ng habagat.

Binabantayan nila ang mga coastal municipality at city para sa posibleng paglikas.

Ipinagbabawal na rin ang pagpalaot ng mga mangingisda.

Samantala, hindi madaanan ang ilang bahagi ng Tirona Highway sa Bacoor City, kung saan halos hanggang tuhod ang taas ng baha.

Magdamag na walang tigil ang pag-ulan kaya umapaw ang mga creek sa lugar.

Sa Aguinaldo Highway, nagdulot ng matinding traffic ang baha kaya napilitang lumusong ang ilang naghihintay ng masasakyan.

Nasa 6 na barangay naman ng Bacoor ang apektado ng baha pero ayon kay Mayor Lani Mercado-Revilla, handa naman ang kanilang mga evacuation center sakaling kailanganing maglikas ng mga residente. 

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.