PatrolPH

Babae tinangkang saksakin sa condo sa Quezon City; suspek arestado

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 11:35 PM

MAYNILA - Isang babae ang tinangkang saksakin umano sa loob ng isang condominium building sa Quezon City Miyerkoles.

Binulabog ng sigaw ng isang babae ang ilang residente ng isang condominium sa Quezon City pasado alas-2 ng hapon.

Kuwento ng residenteng si Jeric Hernandez, agad siyang sumilip sa kanyang balkonahe nang marinig niyang may humihingi ng saklolo.

"May narinig kami ng asawa ko na humihingi ng tulong, medyo kakaiba ang sound eh kaya alam namin na may nangyayari nang masama," ani Hernandez.

May nakita umano siyang babaeng sumisigaw at humihingi ng tulong kaya bumaba ito mula 25th hanggang 18th floor.

Nang makarating siya sa unit kung nasan nandoon ang babae, nakita ni Hernandez na mayroon na siyang kasamang apat hanggang limang tao na tumutulong sa kanya. Sumuko na rin ang isang lalaki na sinasabing nagtangkang sumaksak sa kanya.

"Pinapa-kalma ko, paulit- ulit niyang sinasabi ‘papatayin nya ako, papatayin niya ako’ takot na takot talaga. May dugo sa kamay," dagdag ni Hernandez.

Cutter umano ang ginamit laban sa biktima.

Wala namang nakitang saksak ang babae sa katawan, pero may sugat siya sa daliri. Halatang nanlaban ang babae na pinagtangkaan umanong saktan ng suspek.

"Sabi na hinawakan sa leeg, parang lalaslasin sa leeg," dagdag pa ni Hernandez.

Ayon sa mga barangay tanod, agad silang rumesponde nang makatanggap ng tawag.

Anila, pera ang nakikita nilang motibo sa pag-atake sa babae.

"Tungkol po sa pera, dahil 'di daw siya napa-utang ng amo," ayon kay Reymar Mascariñas, barangay tanod ng Barangay South triangle.

Sinubukan ng ABS-CBN News na makuha ang panig ng biktima pero tumanggi siyang magpakilala o magpakuha ng video. 

Hindi pa nakukuha ang panig ng pulis, at sa ngayon wala pang clearance na ibinigay para makausap ang suspek na 25 taong gulang.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.