VCO na ibinigay sa ilang COVID-19 patients may 'positibong resulta': pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 05:19 PM | Updated as of Jul 23 2020 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagpakita umano ng magandang resulta ang virgin coconut oil bilang gamot laban sa COVID-19, base sa isang pag-aaral. 

Ayon kay Fabian Dayrit, professor sa Ateneo de Manila University School of Science and Engineering's chemistry department, may anti-viral properties ang VCO.

Kwento naman ni Dr. Jose Mondejar, medical director ng Equilibrium Integrative Health Clinic, binigyan nila ng VCO ang 69 na kabilang sa mga unang COVID-19 patients sa Cebu City noong Abril at 45 ang nagnegatibo sa sakit sa loob lang nang 2 linggo.

Samantala, ang 24 ay hindi nagkaroon ng matinding sintomas. 
    
Sa Cebu Provincial Detention Center, 10 tauhang may COVID-19 ang nagnegatibo rin matapos bigyan ng VCO.

"Actually ang result dito merong mga very promising, very positive 'yung results na after just within 5 to 7 days meron na pong naging negative," ani Mondejar.

Dagdag naman ni Dayrit, walang naitalang side effects sa paggamit ng VCO, bagama't puwedeng sumakit ang tiyan ng hindi sanay gumamit nito.

Sabi niya, hinihintay pa nila ang resulta ng pag-aaral sa paggamit ng VCO sa Philippine General Hospital at mga researcher sa Sta. Rosa, Laguna. 

"Mabuti sigurong ma-expand natin ang study kasi mga ilang pasyente lang iyon. Palagay ko may pag-asa naman. Ang kailangan natin mas malakas na katibayan pero magandang suporta ito sa nagawa ni Dr. Mondejar sa Cebu," ani Dayrit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.