PatrolPH

Pruweba muna: Detalye ng pagkamatay ng high-profile inmates ipinasisiwalat

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 06:49 PM | Updated as of Jul 21 2020 08:59 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Mismong mga mambabatas na ang nagpahayag ng pagdududa tungkol sa pagkamatay ng ilang high-profile inmates sa Bilibid.

Sa kabila ng pagkumpirma ng Department of Justice (DOJ) na patay na nga ang drug convict na si Jaybee Sebastian, marami pa rin ang hindi naniniwala.

Kumakalat sa social media ang retrato ng abo ni Sebastian mula sa punerarya kung saan siya kinremate na masyado umanong marami para sa isang tao lang. May nagtatanong din kung bakit sa Cavite pa kinremate.

Duda si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate kung bakit tila sabay-sabay na namamatay ang ilang drug lord sa panahon ng pandemic na walang autopsy o testigo na magpapatunay na sila nga ay namatay dahil kaagad silang kinremate.

"Is it mere coincidence that major drug lords just supposedly died at around the same time of COVID-19 with no autopsy nor witnesses to prove that they really died because their bodies were supposedly cremated immediately?" ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Binanggit pa ni Zarate ang pagkamatay sa isang 29-anyos na guwardiya sa Bilibid noong Miyerkoles na may tama ng baril sa ulo.

Para kay Sen. Ralph Recto, madali lang patunayan kung totoo ngang namatay ang mga inmate.

"The proof of death is a photo of the body. If there is, then doubts will be laid to rest... Kung mayroong CCTV footage of the body being brought out, the better. And why should there be none? A prison without surveillance cameras is like one without locks," ani Recto.

Sabi naman ni Senate President Tito Sotto, kung namatay ang mga preso dahil sa COVID-19, walang issue. Pero kung nawawala sila, hindi dapat magbulag-bulagan.

Naghain na ng resolusyon si Sotto para imbestigahan ang pagkamatay ng mga high-profile inmate sa Bilibid, bagay na suportado naman ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Sinita ng IBP ang paglilihim ng Bureau of Corrections at paggamit sa Data Privacy Act bilang dahilan.

"The lack of transparency is very suspect. Government officials in charge of these inmates should have informed DOH (Department of Health) immediately," ani Domingo Egon Cayosa, presidente ng IBP.

Sa isang pahayag, sinabi ni National Privacy Commission (NPC) commissioner Mon Liboro na may sapat na public interest sa kaso ng high-profile inmates kaya hindi ito sakop ng Data Privacy Act.

"The Data Privacy Act is not a cloak for denying the public's right to know... There is a justified public interest to release information like details surrounding the deaths from COVID-19 of these high-profile inmates, especially when the personal information being sought is linked to issues already on the minds of the public," ani Liboro.

Ayon naman kay dating BuCor chief Dionisio Santiago, may nakikita siyang problema dahil hindi na binubuksan ang body bag ng bangkay bago ito i-cremate, lalo na ngayong may pandemya.

Paliwanag naman ng BuCor, may sapat na proseso silang sinusunod pagdating sa pagkamatay ng inmates.

"We have spoken with the secretary of Justice... Naipaliwanag namin on how to really prove that this particular, that this Pedro is really Pedro because we have a protocol in identifying the people," ani Dr. Henry Fabro, health services director ng New Bilibid Prison.

May death certificate din na magpapatunay na namatay nga sila.

Kaya umano na-cremate sa Cavite ang bangkay ni Sebastian ay dahil mahal ang ibang accredited na punerarya.

Sa gitna naman ng kontrobersya, may hamon si BuCor director general Gerald Bantag sa mga nagpapalutang na tila "peke" ang pagkamatay ng inmates.

"Mag-produce kayo ng Juan dela Cruz na sasabihin niyang ako 'yung namatay 'yun pero di ako namatay at sinasabing nagbayad ako ng sinasabing ako, nagbayad, pinalaya ako. I-produce niyo na 'yun," ani Bantag.

Ipinag-utos na ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kailangang may taga-DOH kapag nagsasagawa ng swab tests at kaagad sabihan ang mga kamag-anak ng namatay na inmate kung ipapa-cremate ito.

Naglabas na rin si Guevarra ng department order na inaatasan ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang pagkamatay ng mga high-profile inmate sa Bilibid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.