PatrolPH

'Mga pari di dapat naniningil para sa mga kasal, libing'

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 01:27 PM | Updated as of Jul 22 2020 11:30 AM

Pinaalalahanan ng Vatican noong Lunes ang mga pari na hindi dapat naniningil ang mga ito para sa mga seremonya tulad ng mga binyag, kasal, at libing.

May ilang simbahan na nagtatakda ng presyo para sa ilang serbisyo tulad ng mga binyag at libing—bagay na tinututulan ng Vatican, na siyang namumuno sa Catholic Church.

Sa mga bagong alituntunin, pinaalalahanan ng Vatican ang mga pari kaugnay sa paniningil sa mga seremonya.

Binigyang diin din ng Vatican na hindi dapat i-"commercialize" o gamitin para kumita ang mga misa, at hindi rin dapat bigyan ang mga tao ng impresyon na may bayad ang pagdiriwang ng mga sakramento.

Dapat may kalayaan ang mga tao na magpasya kung magbibigay ba ito ng offering o donasyon sa simbahan, sabi sa alituntunin.

Inirerekomenda pa rin ng Vatican sa mga pari na magdiwang ang mga ito ng misa kahit hindi nakatatanggap ng offering.

Kadalasan ay offering sa mga misa ang pangunahing napagkukuhanan ng mga pari ng kita.

Ayon sa Vatican, puwede ring ang mga lay people o laiko ang manguna sa pagdiriwang ng Sunday mass at mga libing kapag may kahirapan sa pagkuha ng pari.

Ito ay matapos bumaba nang 0.3 porsiyento ang bilang ng mga pari, base sa 2020 statistical report ng simbahan.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.