Limited face-to-face classes papayagan sa low-risk areas

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 02:45 PM | Updated as of Jul 21 2020 06:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ng Department of Education na magkaroon ng limited face-to-face classes sa mga low-risk area sa COVID-19.

Pinaboran ni Duterte ang panukala sa isang pulong noong gabi ng Lunes, kung saan pinresenta ni Education Secretary Leonor Briones ang panukala.

"I'm with you on this one... okay ako," sabi ng pangulo kay Briones.

Kinumpirma rin ngayong Martes ni Presidental Spokesperson Harry Roque ang pag-apruba sa panukala.

Ayon kay Briones, hiniling ng mga opisyal at paaralan sa ilang lugar tulad ng Siquijor at Dinagat Islands ang pagkakaroon ng limited face-to-face classes.

Sa Enero 2021 o third quarter ng school year pa maaaring simulan ang face-to-face classes, base sa inaprubahang proposal ng DepEd na ipinakita sa press briefing sa Palasyo ngayong Martes.

Simula Agosto ay magkakaroon ng evaluation ng mga paaralan kung kaya ng mga ito na mag-face-to-face classes habang sumusunod sa health standards.

Ang DepEd, local government unit, at local health officials ang magpapasya umano kung papayagang mag-face-to-face classes ang isang paaralan.

Dapat makapagpatupad umano ang paaralan ng mahigpit na health protocols tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face mask.

Nauna nang nagpalabas ng DepEd ng detalyadong minimum health standards na dapat sundin ng mga paaralan sakaling payagan ang mga ito na mag-face-to-face classes.

Magsasagawa rin umano ng inspeksiyon kasama ang National Task Force Against COVID-19 sa mga paaralang magpapatupad ng limited face-to-face classes.

Ayon kay Briones, kung ayaw ng magulang na ipasok ang kanilang mga anak sa limited face-to-face classes ay maaari pa ring matuto ang mga ito sa pamamagitan ng online, printed modules, telebisyon, at radyo.

Nangangamba naman ang grupong Teachers’ Dignity Coalition na magkaroon pa rin ng hawahan sa COVID-19 ang mga guro at estudyante kahit pa limitado ang face-to-face classes.

Nanindigan naman ang grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) na puwede lang mag-face-to-face classes kung maaabot ng DepEd ang requirements para rito.

Sa ngayon, hindi nakikita ng grupo na handa ang DepEd sa face-to-face classes, sabi sa Teleradyo ni ACT Secretary General Raymond Basilio.

Tutol din si Sen. Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate committee on basic education, sa pagkakaroon ng face-to-face classes.

Nakatakdang magbukas ang school year sa Agosto 24 pero maaaring magsimula nang mas maaga ang mga pribadong paaralan basta't may pahintulot ng DepEd regional offices. -- May ulat nina Arianne Merez, Jaehwa Bernardo at Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.