Lalaking nagtangka umanong gahasain ang pamangkin, napatay ng mga anak

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 09:25 PM

LA CASTELLANA, Negros Occidental - Patay ang isang lalaki sa Negros Occidental matapos pagtulungan ng mga anak dahil umano sa tangkang paggahasa sa pamangkin.

Base sa imbestigasyon ng La Castellana Police, ikinuwento ng asawa ng biktima na Linggo ng gabi nang tangkain ng kaniyang mister na gahasain ang kanilang pamangkin sa bahay nila sa Barangay Sag-ang sa La Castellana.

Ani Police Capt. Ramel Bustamante, ikinuwento ng asawa ng biktima na naabutan niya ang ginagawa ng mister sa pamangkin kaya pinuna niya ito.

Pero nagalit pa umano ang mister kaya tinawag ng misis ang kanilang tatlong anak at isinumbong ang ginawa ng kanilang ama.

Ito na ang naging dahilan kung bakit pinagtulungan ng tatlong anak na nasa edad na 37, 26 at 18 ang paghampas sa kanilang ama ng kahoy sa ulo na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Ayon sa imbestigador sa kaso, may nervous breakdown ang lalaki. Sinasaktan rin umano nito ang kaniyang asawa kapag sinusumpong.

Kasalukuyang nasa kustodya na ng pulisya ang 3 anak ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.