PatrolPH

Knowledge Channel tuloy sa pag-agapay sa public schools

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 08:13 PM

Knowledge Channel tuloy sa pag-agapay sa public schools 1
Sa kabila ng hindi pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN at tigil-operasyon ng Sky Direct, tuloy ang misyon ng Knowledge Channel para marami pa ring kabataan ang makapag-aral sa gitna ng hamon ng COVID-19 pandemic.

Grade 5 ngayong pasukan ang anak ni Joy Entrevencion na si Erha pero namumroblema siya kung paano ihahanda ang anak dahil wala silang laptop at smart TV.

Nakapapanood pa sana noon ng Knowledge Channel si Erha pero nawala pa rin ito nang tumigil ang broadcast ng ABS-CBN.

"'Yong Mathtinik, 'yong parang mathematics, doon siya nanonood lagi... Sayang talaga," ani Joy.

Kabilang si Erha sa higit 1,500 estudyante na naka-enroll ngayon sa Talaga Elementary School sa Morong, Rizal.

Mabundok ang lugar kaya mahina ang signal, kaya halos 80 porsiyento ng enrollees ay hirap o hindi makapag-online learning.

Sa ilalim ng programang "Barangayan Para Sa Bawat Bata Bumabasa" ng Department of Education sa rehiyon, kaagapay ng Knowledge Channel, hinihikayat ang mga pamilyang may internet at gadgets na payagan ang ibang estudyante na makasama sa online classes ang kanilang mga anak.

Kabilang sa mga boluntaryong tumanggap sa mga bata ay si Marciho Sabulao, ina ng Grade 5 student sa Talaga Elementary School.

"Kahit paano sa simpleng paraan na ganito, makatulong ako sa mga kapitbahay ko, sa mga bata," ani Sabulao.

"Since 'yong videos ng KC (Knowledge Channel) ay aligned sa lessons namin, na which is weekly ito 'yong lesson na 'yon, which is sunud-sunod po, talagang nai-align ng KC sa lesson ng DepEd," ani Ana Carla de Castro, guro sa Talaga Elementary School.

Mahigit 7,000 public schools at community learning center ang partner ng Knowledge Channel sa buong bansa.

Ngayong ipinasara ang Sky Direct, nabawasan ang supplementary learning tools na ginagamit nina De Castro.

"Malaking kawalan po. Hirap na nga sila sa internet tapos mawawalan pa sa TV," ani De Castro.

Sa kabila ng hamon, sinisikap pa rin ng Knowledge Channel na maabot sa iba pang paraan ang mga estudyante at gurong mangangailangan ng serbisyo nito.

"It's our contribution to education and we are providing this access for free, to all the cable providers in the country especially now na nabawasan ang access points ng Knowledge Channel," ani Edric Calma, director of operations ng Knowledge Channel.

Ngayon pasukan, inaasahan ang higit 8,100 video ng Knowledge Channel sa Filipino, English, math, araling panlipunan, at science sa ilalim ng "Edukalidad sa Kalamidad: Learning Through Knowledge Channel in the Time of COVID-19" sa pakikipagtulungan sa DepEd.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.