PatrolPH

Kasabay ng umento: Ilang nurses ipinagtataka ang 'demotion' sa ranggo

Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 08:22 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Ikinatuwa ng grupo ng mga nurse ang pagpapatupad ng umento sa sahod para sa kanilang nasa entry-level position. 

Pero kasabay nito, gusto raw maliwanagan ng iba kung bakit tila na-demote naman sa ranking ang iba pang mga posisyon ng nurse. 

Sa pag-iisyu ng budget circular number 2020-4 ng Department of Budget and Management, sa wakas ay maipatutupad na rin ang isang probisyon sa Republic Act 9173 o Philippine Nursing Act of 2002 na nagsasabing ang entry level salary ng isang nurse sa pampublikong ospital ay dapat salary grade (SG) 15 o higit P30,000 mula sa kasalukuyang SG 11 o higit P20,000 lamang.

Ibig sabihin, may higit 6,000 "Nurse 1" sa bansa ang makakakuha ng P10,000 umento sa sahod kada buwan.

Pero good news mang maituturing ang umento sa sahod para sa mga Nurse 1, kinukuwestiyon naman ng grupong Filipino Nurses United kung bakit tila na-demote sa ranking ang iba pang mga posisyon ng nurse.

Base sa parehong budget circular, halimbawa, ang Nurse 2 ay merong rate na SG 15 hanggang 17. Ibig sabihin, may mga Nurse 2 na pareho lang ang sahod sa Nurse 1. 

Ayon sa grupo, isa itong demotion para sa higit 40,000 nurse sa bansa.

Bagama't hindi naman apektado ang kanilang sahod, magkakaroon ng kalituhan sa kanilang job description.

"Ang mahirap diyan may implication sa function, pag-iiba ng job description. Halimbawa ang Nurse 2 na dapat charge nurse siya ang supervisor ng Nurse 1, parehas na sila ng rank ngayon. Ang Nurse 7 na chief nurse, who coordinates all hospitals in the district, demoted to Nurse 6," ani Maris Abenojar, presidente ng Filipino Nurses United.

Ayon pa sa grupo ng mga nurse, hindi obligado ang mga lokal na pamahalaan na magbigay ng umento sa sahod sa mga Nurse 1 kung walang sapat na pondo ang lungsod o munisipalidad para rito.

Kaya humihiling ang grupo na national government na mismo ang maglaan ng pondo para mabibigyan ang lahat ng nurse na dapat tumanggap ng umento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.