Kapa founder Joel Apolinario, arestado sa Surigao Del Sur

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 05:16 PM | Updated as of Jul 21 2020 08:53 PM

MAYNILA (UPDATE)- Arestado Martes ng umaga ang founder ng Kapa Community Ministry International na si Joel Apolinario sa isang isolated resort sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur.

Arestado si Apolinario sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong syndicated estafa with no recommended bail na inilabas ng Cagayan De Oro Regional Trial Court.

Ayon kay Surigao City Police Office Chief Police Lt. Col. Christian Rafols, may isinilbi ring search warrant para sa mga kasong paglabag sa RA 9516 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na nagresulta sa pag-aresto sa 23 iba pang indibidwal.

Kinumpirma ni Police Regional Office 13 Spokesperson Police Maj. Renel Serrano na bago pa maaresto si Apolinario ay nagkaengkuwentro ang mga pulis at mga tauhan nito.

Dagdag pa ni Serrano, dalawa ang namatay sa pangyayari habang isa ang sugatan na agad dinala sa ospital.

Nakuha sa operasyon ang iba't ibang kalibre ng baril, kabilang ang mga rifle, machine gun, granada at mga bala ng baril.

Noong nakaraang taon, pinawalang bisa ng Securities and Exchange Commission ang certificate of registration ng Kapa Community Ministry International, na napabalitang sangkot sa investment scam, kung saan may pangakong 30 percent na return sa mga miyembro nitong nagbibigay ng donasyon.

- ulat nina Arra Perez at Charmane Awitan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.