Higit 634,000 bata sa Mindanao, nabakunahan kontra polio: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 11:05 PM

MAYNILA - Sa gitna ng COVID-19 pandemic, nakatuon pa din ang Department of Health, World Health Organization at UNICEF sa polio outbreak sa Pilipinas na unang inanunsyo noong September 2019.

Sa isang DOH briefing, sinabi ni Usec. Abdullah Dumama Jr. ng Health, Field Implementation and Coordination Team of Visayas and Mindanao, na mahigit 634,000 na batang edad 5-anyos pababa ang nabakunahan ng polio vaccine sa ilalim ng programang "Sabayang Patak Kontra Polio" na nagsimula nitong Lunes.

Target na mabakunahan ang humigit-kumulang 3.5 milyong bata sa Mindanao.

Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, WHO country representative sa Pilipinas, plano ring mapabakunahan ang mga bata sa Regions 3 at 4A.

Apela niya sa mga magulang, pabakunahan ang kanilang mga anak, kaakibat ng pagsigurong ligtas ang vaccine.

Sa 9 na nagdaang polio outbreak immunization activities, nabakunahan ang nasa 1.4 milyong bata sa Metro Manila at 3.4 milyong bata sa Mindanao edad 5 taong gulang pababa. Nabigyan din ng polio vaccine ang ilang mga batang edad 10 anyos pababa sa mga piling lugar.

Simula June 2019 hanggang February 2020, nakapagtala ng 22 human polio cases sa Regions 3, 4A, 10, 12 at Bangsamoro Region.

Ayon kay Dumama, may nakitang circulating polio virus sa waterways ng Maynila at Davao City.

Tiniyak niyang inaaksyunan ng DOH ang polio upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.--Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.