Helper sa stall sa Maynila, timbog sa pagbebenta ng myna bird

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 11:59 PM

 

Timbog ang isang helper sa Maynila tapos magbenta ng endangered species na myna bird, ayon sa public information office ng siyudad nitong Martes. 

Sa Facebook post Manila PIO, ayon kay Arranque Market supervisor Ruth Almodovar, ibinenta ng helper na si Jerry Salaguste sa halagang P10,500 ang nasabing hayop.

Dagdag pa nito, ibabalik sana ng napagbentahan ni Salaguste ang ibon dahil nanghihina ito.

“Ongoing yung inspection ng ating mga kapulisan noong oras na iyon, tapos nang ilabas sa compartment ng sasakyan yung hawla ng myna, nakilala ng pulis yung ibon," ani Almodovar.

“Sinundan nila yung may dala at pagkatapos ay tinanong kung saan nabili," dagdag pa niya.

Agad na nakipag-ugnayan ang kapulisan sa tanggapan ni Almodovar upang magsagawa ng entrapment operation laban kay Salaguste.

Nang pumunta sila sa pwesto nito sa dry goods section ng palengke ay wala na ito at hinihinalang tumakas na ang suspek.

Sa utos ni Market Administration Office Director Zenaida Mapoy, pansamantalang isinara ng mga kawani ng Arranque Market ang dalawang stalls na kasalukuyang ginagamit ni Mayet de Jesus.

"Bagama't wala sa lugar si de Jesus sa oras ng nangyari ang bentahan, sinabi ni Almodovar na kargo niya ang lahat ng nangyayari sa loob ng kanyang puwesto kung kaya naman ay dapat isara ang kanyang tindahan," batay sa pahayag ng Manila PIO.

Mahaharap si Salagusto sa kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protect Act.

Agad naman na nai-turn over sa Public Recreation Bureau ang myna bird upang ito ay maalagaan nang mas maayos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.