General Services Office ng Bacolod City, pansamantalang isinara dahil sa COVID-19

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 08:08 PM

BACOLOD CITY - Pansamantalang isinara nitong Martes ang tanggapan ng General Services Office ng Bacolod City sa Old City Hall ng lungsod matapos may isang empleyadong nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Mahigit naman sa 20 na empleyado ng GSO ang isinailalim sa swab test.

Ayon kay Joemarie Vargas ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Bacolod, isang lalaking empleyado ng GSO ang nagpositibo sa virus.

Isinailalim ito sa swab test noong Hulyo 9 matapos sumama ang pakiramdam.

Noong Lunes lang lumabas ang resulta at positibo siya sa virus.

Sabi ni Vargas, ang nagpositibong empleyado ay naka-assign sa Bays Center at minsan lamang pumupunta sa tanggapan ng GSO pero noong nakaraang linggo ay nagproseso ito ng dokumento sa opisina ng GSO.

Para masiguro ang kaligtasan ng mga empleyado, pansamantalang itinigil ang operasyon ng lahat ng opisina sa Old City Hall nitong Martes para ma-disinfect ang lugar. 

Sa Miyerkoles na babalik sa normal ang operasyon ng mga opisina sa Old City Hall.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.