Border ng Iloilo City isasara dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 06:12 PM

Border ng Iloilo City isasara dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 1
Hindi muna papayagan ang pagbiyahe ng mga pasahero ng barko mula Iloilo patungong Bacolod at pabalik dahil magsasara ang border ng Iloilo City sa Miyerkoles, Hulyo 22, 2020, dahil sa pagdami ng bilang ng COVID-19 cases sa lungsod. Cherry Palma, ABS-CBN News

Isasara ng Iloilo City ang border nito simula Miyerkoles, Hunyo 22, sa mga biyahero mula Bacolod City, Negros Occidental at Negros Oriental dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang inanunsiyo ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa kaniyang Facebook page Martes. 

"Due to the rising number [of] cases of COVID-19, Iloilo City will close its borders for people coming in from Bacolod City, provinces of Negros Occidental and Negros Oriental, starting tomorrow, July 22, 2020," ayon sa post ni Treñas. 

Hindi sinabi ng alkalde kung hanggang kailan nito balak na isara ang border ng lungsod. 

Nilinaw naman ng alkalde na hindi apektado ang pagbiyahe ng cargo na nagdadala ng essential goods. 

"Movement of essential good and cargoes will remain unhampered. Please be guided," aniya.

Samantala, kinumpirma naman ng Public Information and Community Affairs Office ng Iloilo province na pansamantalang ipatitigil din ang mga biyahe ng passenger vessels sa Dumangas at Estancia Port sa lalawigan ng Iloilo mula rin sa Hulyo 22. 

"Travel from Iloilo and Bacolod, vice versa, will again be suspended effective tomorrow, July 22, as the ports in Iloilo City and Dumangas and Estancia will be closed for passenger vessels due to the rising COVID-19 cases in Negros Occidental. Only vessels carrying cargoes will be allowed," ayon sa naturang tanggapan.