Bahagi ng PITX isasara muna para i-disinfect

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 06:09 PM | Updated as of Jul 21 2020 07:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pansamantalang isasara nang 4 na araw simula Miyerkoles ang isang bahagi ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kung saan kasalukuyang dumadaan ang mga Pilipino na nanggagaling sa ibang bansa.

Ang nasabing bahagi ay matatagpuan sa dulo ng second floor ng terminal, na binabantayan ng mga taga-Philippine Coast Guard (PCG).

Eksklusibo para sa mga overseas Filipino worker (OFW) ang naturang lugar, na may sariling daanan at bay para sa mga bus. Doond in dinadala ang mga OFW mula sa quarantine facility at hinahatid papuntang mga probinsiya.

Ayon sa pamunuan ng PITX, kailangang i-disinfect o linisan nang maigi ang naturang bahagi ng terminal.

"We can never be too sure. Ang gusto lang natin siguruhin ang kaligtasan ng lahat. Minarapat natin na linisin muna ang lugar at ihinto muna ang operations natin doon," ani Jason Salvador, head of corporate affaris and government relations ng PITX.

Mayroon din kasi umanong mga PCG personnel na nag-positibo sa COVID-19, na nanggaling at kasamang naghatid ng mga OFW pauwi ng mga probinsiya.

Kamakailan, umabot sa 365 ang kabuuang bilang ng PCG personnel na positibo sa COVID-19 swab test, kung saan 256 ang active cases habang 109 ang gumaling na.

Mayo 25 nang ilaan ng PITX ang lugar para sa mga OFW kahit nakasara pa noon ang terminal para sa regular operations.

Matatandaang may ilang pasahero na nanggaling sa PITX ang pineke ang kanilang mga papel para magmukhang negatibo ang kanilang swab test.

Bunsod nito, binago rin ng PCG ang kanilang pag-cross check ng mga dokumento.

Ayon sa PITX, tinitiyak nilang mahigpit ang pagpapatupad ng health and safety protocol sa terminal kaya nakahiwalay ang mga regular na pasahero sa mga OFW sa second floor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.