MAYNILA - Kinondena ng activist priest na si Robert Reyes ang umano ay patuloy na patayan sa gitna ng panahon ng pandemya kasunod ng pamamaril sa isang balut vendor sa Quezon City.
Ayon kay Reyes, doble na ang takot ng mga tao dahil bukod sa dami ng nagkakasakit at namatay sa pandemya, dumadagdag pa ang mga pinapatay sa mga kalsada.
"Nagto-Tokhang pa rin kayo ngayong panahon ng COVID? Talagang hindi lang halang ang inyong mga kaluluwa, galing na po kayo sa impiyerno. Magtulungan tayong mabuhay. Huwag tayong nagpapatayan," ani Reyes.
Binitwan ni Reyes ang pahayag kasunod ng pagpatay kay Gilbert Paala sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Pinagbabaril ng 3 lalaking nakasakay ng magkakahiwalay na motorsiklo si Paala pasado alas-6 ng gabi.
Kalalaya lang ni Paala matapos makulong sa mga kasong may kinalaman sa droga.
Noong isang linggo lang ay isang babae din ang pinatay sa parehong barangay. Hindi rin kilala ang mga salarin.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa pagpatay kay Paala, ayon kay Lt. Col. Noli Abalos, commander ng Quezon City Police District Station 10.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, krimen, Robert Reyes, activist priest, running priest, Quezon City, Quezon City Police District, TV Patrol, Jervis Manahan