4 bagong kaso ng COVID-19 naitala sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 03:32 AM

Apat na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Ilocos Norte, ayon kay Gov. Matthew Manotoc sa isang Facebook post nitong Lunes.

Dahil dito, 9 na ang bilang ng kaso ng naturang sakit sa probinsiya.

Ayon kay Manotoc, lahat ng mga bagong kaso ay asymptomatic.

Ang pasyenteng kinilalang Ilocos Norte Case Number (IN-CN) 6 ay isang 44-anyos na utility worker mula Barangay Saud, Pagudpod na naka-assign sa quarantine facility sa nasabing bayan. 

Si IN-CN 7 naman ay isang 20-anyos na buntis na babae mula Barangay 16 sa bayan ng Vintar. Galing umano siya ng Maynila at na-quarantine sa lungsod. Ayon kay Vintar Mayor Larisa Foronda, malusog ang sanggol ng babae, pati ang ama nito.

Ang ika-8 coronavirus patient ng probinsiya, o IN-CN 8, ay 21-anyos na nurse ng Brgy. San Vicente, Laoag City na may history ng COVID-19 exposure sa Metro Manila.

Si IN-C9 naman ay 2-anyos na babae na mula rin sa Pagudpud, kung saan tatlong sitio sa Saud ang nilockdown, kabilang ang Maligaya, Kamayeng, at Jupiter.

Nakilala at na-quarantine na rin ang mga nakasalamuha ng apat na bagong pasyente. Sasailalim ang mga ito ulit sa swab test.

Ayon kay Manotoc, bago malaman na positibo ang apat sa COVID-19 ay nasa medical at quarantine facilities na sila.

Nanatiling nasa ilalim ng modified general community quarantine ang lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.