2 barangay sa Pasay, idineklarang critical zone dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 06:03 PM

MAYNILA – Idineklara ni Pasay CIty Mayor Emi Calixto Rubiano na critical zone ang dalawang barangay sa lungsod dahil sa pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 
 
Ayon kay Rubiano, nasa critical zone na ang Barangay 177 at Barangay 185 na parehong malapit sa paliparan.

Ang Barangay 177 ay may 17 confirmed active cases at anim naman ang sa Barangay 185 base sa tala ng lungsod nitong Hulyo 19.
 
Kapag nasa critical zone, ibig sabihin 'localized lockdown' o limitado lang ang galaw ng mga residente at mas mahigpit ang pagpapatupad ng mga ordinansa gaya ng pagsuot ng face mask. 

Sa kabuuan, nasa 16 na barangay na ang nasa critical zone sa lungsod, kasama na ang dalawang bagong dagdag na mga lugar.

Patapos na rin ang 2-week lockdown period ng 14 naunang mga barangay. 

Pinapaalalahan ng pamahalaang lokal ng lungsod ang publiko na maging mas istrikto sa pagsunod sa mga health protocol lalo’t nariyan pa ang virus.

Sa tala ng Public Information Office ng Pasay City nitong Hulyo 20, pumalo na sa 1,504 ang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 679 ang mga gumaling at 51 naman ang namatay.