PatrolPH

10 Chinese na sakay ng yate naharang sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 03:51 PM | Updated as of Jul 21 2020 11:02 PM

10 Chinese na sakay ng yate naharang sa Palawan 1
Makikita sa larawang ito ang yate lulan ang 10 Chinese na lumabag umano sa travel ban sa mga dayuhan sa gitna ng COVID-19 pandemic. Rex Ruta, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA, Palawan — Naharang ng mga awtoridad sa lungsod na ito ang isang yate na may sakay na 10 Chinese na lumabag umano sa travel ban sa mga dayuhan papasok sa Pilipinas upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Namataan ng mga residente nitong Lunes ng gabi ang yate na palutang-lutang sa laot. Dahil dito, pumunta sa dalampasigan ang mga barangay official, kung saan nila namataan ang isa sa mga Chinese, kaya tumawag sila ng mga pulis. 

Naiwan naman sa yate ang 9 na kasamahan ng dayuhan. 

Pinosasan ng mga pulis ang Chinese matapos umano ito magwala habang kinakausap nila. Tinanggalan din nila ito ng posas matapos kumalma nang makarating sa lugar ang Philippine Coast Guard. 

Dito na ipinakita ng dayuhan ang kaniyang mga bitbit na dokumento, kabilang ang isang ID mula sa kaniyang kompanya at ang special resident retirees visa na ibinibigay sa mga dayuhan na maaaring magpabalik-balik sa bansa. 

Sa pakikipag-usap din sa Chinese, napag-alaman na nabili ng kompanya nito ang bahagi ng lupa sa Barangay Concepcion. 

Kinailangan lang umano ng kaniyang grupo na bumili ng pagkain at langis para makapagpatuloy sa biyahe. 

Wala namang natagpuang kahina-hinala ang PCG sa yate nang inspeksyonin ito, ani Palawan station commander Commodore Allan Corpuz. 

Watch more on iWantTFC

Gayunman, sumuway aniya sa safety at health protocols ang mga dayuhan dahil hindi nila isinangguni sa mga awtoridad ang kanilang pagdating. 

Sa Agosto 1 pa papayagang makapasok sa bansa ang mga dayuhan na may permanent at immigrant visa, una nang inanunsyo ng Malacañang at Bureau of Immigration. 

Mananatili muna sa laot ang mga Chinese habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, ani Corpuz. 

Kasama rin sa iimbestigahan ang mga kausap umano ng Chinese na tao sa lungsod na may dala pang sasakyan para sunduin sila. May pananagutan din sa batas ang mga Pilipinong sangkot sa ganitong transaksyon, sabi ng opisyal. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.