Motorcycle rider sugatan nang sumalpok sa truck

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2019 08:13 AM | Updated as of Jul 21 2019 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA- Sumuot ang isang motorsiklo sa ilalim ng isang nakaparadang cargo truck sa Nagtahan flyover sa Maynila matapos bumangga rito nitong madaling-araw ng Linggo.

Sugatan sa ulo, baba, at ibang bahagi ng katawan ang rider na kinilalang si Dariel Boncalos, 25, na naipit sa pagitan ng motor at truck.

Kuwento ng truck driver na si Ruben Honrales, nasiraan ang truck sa ibabaw ng flyover pasado hatinggabi.

Biyaheng Tacloban, Leyte ang truck na naghahatid ng mga balikbayan box mula sa pier sa Maynila.

Inaayos nina Honrales at ng pahinante ang makina nang masabihan sila ng dumaang motorista na may bumangga sa likuran ng truck. 

Tila hindi napansin ng rider ang early warning device na inilatag bago ang truck.

Inabot ng 30 minuto bago naialis ng mga rumespondeng pulis, rescuer, at motorista ang naipit na rider.

Ayon sa rescue volunteer na si Leomar Villarosa, amoy-alak ang rider na may malay noon.

Aniya, posibleng nabawasan ang pinsala sa rider kung nakasuot ito ng motorcycle helmet imbes na nutshell helmet na karaniwang pambisikleta.

Nilagyan ng cervical support collar ang rider bago ginalaw at inilipat sa backboard. Inangat din ng hydraulic jack ang likuran ng truck para mapadali ang pagtanggal sa katawan.

Isinugod sa Ospital ng Maynila ang biktima na isasailalim sa CT scan at x-ray para makita ang iba pang posibleng pinsala sa katawan.

Isinara rin nang halos 1 oras ang lane ng Nagtahan flyover papuntang Paco hanggang nai-tow na ang truck papuntang Manila traffic investigation unit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.