Mga mambabatas 'tiniyak' na maluluklok si Cayetano bilang House Speaker

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2019 07:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa pagsisimula ng 18th Congress sa Lunes, siniguro ng ilang mambabatas na si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang mauupong House Speaker, alinsunod sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ayon kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, "sigurado" na maluluklok bilang Speaker si Cayetano, kahit pa may espekulasyon na may mga kongresistang hindi boboto sa kaniya.

Si Velasco ang ka-term-sharing ni Cayetano ayon sa kasunduan nila. 

"No fear or any threat... We will support and abide by the suggestion of the President," ani Velasco. 

Boboto rin pabor kay Cayetano si PDP-Laban vice president at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales pati ang 85 kongresista ng partido. 

Si Senate President Vicente Sotto III, tiniyak na kay Cayetano mapupunta ang boto ng mga kongresista ng Nationalist People's Coalition (NPC).

"We all agreed already. We all agreed that we will be supporting Sen. Alan Peter Cayetano," sabi ni Sotto. 

Bago ang botohan sa Lunes, parehong nagpatawag ng breakfast meeting sina Cayetano at Davao City Rep. Paolo Duterte, anak ng Pangulo. 

Maaalalang si Paolo ang nagpalutang ng espekulasyong maaaring maulit ang umano'y "kudeta" sa Kamara gaya noong nakaraang taon. 

Pero sabi ni Velasco, nais lang makilala ni Paolo ang mga makakasama niya sa Kamara.

Nauna na ring sinabi ni Cayetano na pumayag na si Paolo na maging kaniyang deputy speaker.


—Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.