Mga bagong anyo ng child labor binabantayan

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2019 07:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Binabantayan ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga umano'y bagong anyo ng child labor.

Kasama sa mga bagong anyo ng child labor ay ang own-use production, ayon kay Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) Director Karen Trayvilla.

"Ibig sabihin, ultimately, 'yong pino-produce ng bata... ay for the consumption of the household," ani Trayvilla.

Binabantayan din ang mabibigat na trabaho na maaaring matagpuan sa unpaid training work gaya ng work immersion at volunteer work.

Ang child labor ay ano mang uri "ng trabaho [o] economic activity na puwedeng i-subject sa abuse o exploitation ang bata, at nakakasama sa kaniyang safety," ani Trayvilla.

Sinabi rin ni Trayvilla na huwag magdalawang-isip na lumapit sa kanilang ahensiya kung may kakilalang child laborer na nangangailangan ng tulong.

Malaki ang pasasalamat ng dating child laborer na si Naomi Geronimo sa tulong na natanggap noon.

"Huwag nilang sayangin ang tulong na binibigay kasi isa 'yon sa mga stepping stone para magbago 'yong buhay nila," ani Geronimo.

Bukod sa suporta sa pag-aaral, maaaring magbigay ng kabuhayan ang BWSC sa pamilya ng child laborer.

May 2.1 milyong kabataan ang nagtatrabaho, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2011.

Dalawang milyong kabataang nasa edad 5 hanggang 17 ay nasa "hazardous working condition" o mga delikadong trabaho, ayon sa PSA.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.