Lalaking 'nanggahasa' sa kapatid ng nobya arestado sa San Juan

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2019 03:20 PM

MAYNILA — Naaresto noong hapon ng Sabado sa San Juan City ang isang 19 anyos na lalaki na umano ay nanggahasa sa 16 anyos na kapatid na babae ng kaniyang nobya.

Sa bisa ng warrant of arrest, dinampot ng mga awtoridad ang suspek sa pinagtataguan nito sa Barangay Tibagan san San Juan bandang alas-4 ng hapon, ayon sa ulat ng Eastern Police District (EPD).

Inilabas noong Hulyo 3 ang arrest warrant laban sa suspek para sa kasong rape in relation to Republic Act No. 7610 o ang Anti-Child Abuse Law. 

Ginahasa umano ng suspek ang biktima sa loob ng kaniyang bahay sa Hagonoy, Bulacan noong Pebrero 15, 2017, ayon sa ulat ng EPD.

Pumunta umano ang biktima sa bahay ng suspek dahil hinahanap niya ang kaniyang ate, na umano ay nobya ng suspek.

Pinilit raw papasukin ng suspek ang biktima sa kaniyang bahay, kung saan nangyari ang panggagahasa. Nagbanta rin umano ang suspek na papatayin ang biktima kapag nagsumbong ito.

Umamin ang biktima sa kaniyang pamilya na siya ay ginahasa matapos kumalat ang tsismis sa kanilang lugar na nakipagtalik ang suspek sa magkapatid, ayon sa pulisya.

Natunton ng mga awtoridad ang suspek sa San Juan matapos silang makatanggap ng tip na ito ay nagtatrabaho bilang ice delivery boy sa lungsod.

Nasa kustodiya na ng Hagonoy, Bulacan police ang suspek kasunod ng pag-aresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.