Guwardiya ng gasolinahan, patay sa pamamaril

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2019 08:23 PM | Updated as of Jul 22 2019 10:15 PM

Watch more in iWantTFC

VILLANUEVA, Misamis Oriental --Patay ang guwardiya ng isang gasolinahan matapos barilin ng holdaper sa bayan ng Villanueva, Linggo ng madaling araw.

Sugatan naman ang cashier na apat na buwang buntis.

Nakunan ng CCTV ang pangyayari kung saan nakaupo sa gilid ng gasoline station ang guwardiyang si Dominico Servandel nang lapitan at barilin sa ulo ng lalaking nakamotorsiklo.

Pinukpok din ng baril ng suspek ang salamin sa cashier's booth bago binaril ang kaherang si Axcel Rose Gemino, na nagtamo ng tama sa mukha.

Tinangay ng lalaki ang P25,000 na kita ng gasolinahan saka tumakas kasama ang isa pang lalaking nakamotorsiklo na nagsilbi niyang lookout.

Dead-on-the-spot si Servandel habang mabilis namang naisugod sa hospital si Gemino.

Ilang minuto lang, hinoldap naman ng mga suspek ang isang convenience store sa Barangay Bugo sa Cagayan De Oro, pero nabigo ang mga ito nang maagaw ng guwardiya ang baril ng isa sa mga suspek.

"Naagaw ng guwardiya ng convenience store ang armas ng suspek kaya tumakbo ang suspek at naiwan niya ang baril niya pati ang motorsiklo sa labas," sabi ni Police Master Sergeant Celmyr Daponlay, investigator ng Villanueva Municipal Police Station.

Sa imbestigayon ng pulisya, lumalabas na iisang grupo lang ang nanghold-up sa gasoline station at convenience store.

Nahuli ng mga pulis ang isa sa mga suspek sa isang planta sa bayan ng Villanueva habang nililimas ang armas ng mga kasamahan nitong guwardiya.

Napag-alaman din ng mga pulis na sa plantang iyon nagtatrabaho ang suspek bilang head guard at kasama niya sa agency ang pinaslang na guwardiya ng gasolinahan.

Sumunod namang nahuli sa bahay nito sa bayan ng Tagoloan ang isa pang suspek na nakuhanan ng ninakaw na salapi.

"Lasing kami kaya namin nagawa yun. Nagawa ko yon dahil sa problema sa pera sa pamilya," sabi ng guwardiyang suspek.

Nahaharap sa kasong robbery with homicide and frustrated homicide ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.