SONA 2018: 'Duterte dapat mag-sorry dahil sa perwisyo ng TRAIN law'

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2018 06:47 PM | Updated as of Jul 23 2019 02:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sasalubungin ng iba't ibang kilos protesta ang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes at para sa mga group, dapat "mag-sorry" si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa mga Pilipino.

"Tingin namin [dapat] mag-sorry siya. Atrasan niya at iwasto niya. Mas maging tapat siya sa TRAIN Law sa Pilipino," wika ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation. 

Ayon kasi sa pag-aaral ng Ibon, nakitang 7 sa bawat 10 Pilipino ang mas kakaunti ang naitatabing pera matapos maipasa ang naturang batas.

Tinuturong dahilan dito ang dagdag-singil sa mga consumer products at sa pamasahe dulot umano ng TRAIN law at ang paglobo ng inflation. 

"Iyong pagtaas ng presyo ng bilihin pabigat talaga. Hindi tumataas ang sahod, walang hanapbuhay, lalong nagpatong-patong pa," ani Africa.

Pareho ang hinaing ng grupong Center for Women's Resources (CWR).

"Kawawa ang mga kababaihan lalo na ang mga nanay na namomroblema sa pang-araw-araw na gastos ng isang pamilya," ani Cham Perez ng CWR. 

Dahil dito, kasado na ang pagprotesta nila sa darating na SONA ni Duterte sa Lunes.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.