Mga militante, pulisya nagkagirian sa Roxas Boulevard

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2018 09:15 PM | Updated as of Jul 21 2018 11:26 PM

(UPDATE) Nagkagirian ang mga militante at pulisya ng Manila Police District sa may tapat United States Embassy sa Roxas Boulevard nitong Sabado.

Umabot sa 17 ang nasaktan sa kampo ng militanteng grupo at karamihan sa kanila ay nananatili pa sa ospital.

Bandang alas-6 ng hapon ay mapayapang nagsasagawa ng programa ang Bagong Alyansang Makabayan Southern Tagalog at matapos nilang sunugin ang watawat ng Estados Unidos ay nagdesisyon silang umabante papunta sa Mendiola.

Ngunit nakaharang ang mga pulis sa kalsada at hindi pa malinaw kung ano ang mismong pinag-ugatan ng gulo pero bigla na lang na nagkainitan ang dalawang kampo hanggang sa magtulakan na at magsigawan.

At matapos nito ay naghahampasan na ang magkabilang panig. Ang mga nagpoprotesta ay may ibinabato sa mga pulis habang ang mga pulis naman ay hinahampas ang kanilang shield sa mga nagpoprotesta.

Binomba naman ng tubig ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang mga nagpoprotesta para mapalayo sila.

Matapos ang gulo, dumiretso sa Mendiola kung saan sila nananatili.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.