Higit P600K cash at mga kontrabando, nasamsam sa Metro Manila District Jail

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2018 09:56 AM | Updated as of Jul 21 2018 09:57 AM

MAYNILA – Nasa P600,000 cash at kontrabando ang nakumpiska ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa mga preso sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Taguig City, Sabado ng umaga.

Kasama ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), unang sinuyod sa "greyhound" operation ang ikatlong palapag ng Annex 5 building ng MMDJ kung saan nakumpiska ang malaking halaga ng pera mula sa isang Jonathan Cartojano. 

Inaalam pa ng awtoridad kung anong kaso ang kinasangkutan ni Cartojano.

Nasamsam rin ng awtoridad ang iba pang cash, bank receipts at mga kontrabando tulad ng mga improvised na kutsilyo, rugby, casino chips, cellphone, lighter, martilyo, at TV wires.

Ayon Kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar, regular na nagsasagawa ng "greyhound" operations upang masigurong walang naipupuslit na mga kontrabando sa naturang kulungan. 

Ikinatuwa rin niya na mas kaunti na ang bilang ng mga nakukumpiskang cellphones sa loob ng piitan.

Dagdag naman ni Supt. Baby Noel Montalvo ng directorate for operations ng BJMP, mas mahigpit ang seguridad sa lugar lalo na’t high profile inmates ang nakakulong doon, kabilang ang suspected members ng Abu Sayyaf Group at iba pang miyembro umano ng drug syndicates.

Iimbestigahan naman ngayon ng BJMP kung saan at papaano naipapasok ang mga kontrabando sa loob ng kulungan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.