Construction worker patay sa pamamaril sa Davao City

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2018 10:36 AM

Nilapitan umano ng dalawang salarin ang biktima at bigla itong pinagbabaril Biyernes ng gabi sa Davao City. Larawan mula sa Buhangin Police

DAVAO CITY - Dead on the spot ang isang construction worker matapos pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin, Biyernes ng gabi sa San Jose Carmelite Road, Buhangin sa lungsod na ito.

Ayon sa nakakita, bigla na lang lumapit ang dalawang suspek at agad pinaputukan si Jay Monsanto, alyas Superman.

Sa imbestigasyon ng Buhangin Police, tatlong tama ng bala ang natamo ng biktima sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng kalibre .45 na baril.

Napag-alamang Disyembre 2016 nang makulong ang biktima dahil sa kasong frustrated homicide.

Patuloy pang iniimbestigahan ng awtoridad ang kaso para matukoy kung sino ang responsable at kung ano ang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.