Bus sumadsad sa palayan sa Nueva Vizcaya

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2018 02:44 PM

Dalawang pasahero ng bus ang sugatan nang sumadsad ito sa palayan matapos masagi ng isang jeep na biglang pumasok sa linya nito sa bayan ng Bambang sa Nueva Vizcaya. Larawan mula kay Jimmy Calata

BAMBANG, NUEVA VIZCAYA - Sumadsad sa palayan ang isang pampasaherong bus sa Barangay Almaguer North dito sa bayan, Sabado ng madaling araw.

Sa imbestigasyon, galing Baguio City ang bus at papunta sana sa Tabuk City, Kalinga lulan ang 44 na pasahero. 

Binabaybay ng bus ang national highway ng naturang barangay nang biglang pumasok sa linya nito ang isang jeep mula sa outer lane.

Nasagi ng jeep ang kaliwang bahagi ng bus na sinubukan pang umiwas. Tuluyang nawalan umano ng kontrol ang bus at dumiretso sa palayan.

Sugatan ang dalawang pasahero ng bus na dinala na sa ospital.

Inilipat naman sa ibang bus ang iba pang mga pasahero.

Napag-alaman ng pulisya na lasing ang driver ng jeep.
 
Nagtamo ito ng sugat matapos bugbugin umano ng konduktor ng bus.

Inaareglo na ng magkabilang kampo ang insidente.

Pinayuhan naman ng awtoridad ang mga motorista na mag-ingat lalo't madulas ang daan dahil sa pag-ulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.