1 patay, 11 arestado matapos mahulihan ng armas sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2018 11:59 PM

Nakuha mula sa isang barangay chairman sa North Cotabato ang isang 9 mm pistol, 5 pang armas at 1 granada nitong Huwebes. ABS-CBN News

Patay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), habang 11 ang naaresto sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Barangay Tagbak, bayan ng Magpet, North Cotabato nitong Huwebes.

Sa report ng pulisya, naghain sila ng dalawang search warrant laban kay barangay chairman Elmer Manumba Sr., na naaresto matapos makuhaan ng armas.

Anila, hindi pa man sila nakakapasok sa bahay ni Manumba, nagpakilala na silang mga pulis pero pinaputukan umano sila kaya gumanti rin sila ng putok.

Tinamaan ang isang lalaki na kalauna'y kinilalang si Elias Manumba, isang miyembro ng CAFGU at pamangkin ng nahuling chairman. 

Dinala pa ito sa ospital pero binawian din ng buhay.

Itinatanggi naman ng mga kaanak ng napatay na nagpaputok ang CAFGU member. Natutulog lang umano siya nang dumating ang mga pulis.

Samantala, nakuha sa barangay chairman ang isang 9 mm pistol at narekober sa compound niya ang 5 pang mga armas at 1 granada.

Aminado naman ang barangay chairman na sa kaniya ang mga nakuhang baril.

Mayroon umano kasi siyang mga natatanggap na pagbabanta sa buhay.

“Dalawa kami nu'ng IP leader may death threat. Nu'ng mamatay na siya kasi tinambangan doon sa barangay, doon na ako naalarma kasi lahat ng mga tao ang sabi, ' 'Wag ka magkumpiyansa kay ikaw ang isunod,' " aniya.

Alam din ng pamilya niya ang tungkol sa kaniyang mga baril pero itinatanggi nila na kanila ang nakuhang granada.

“Hindi sa amin 'yung granada. 'Yung mga baril nakikita ko na 'yun pero 'yung granada, wala 'yun. Doon pa nakalagay sa cabinet ng mama ko na everyday niya ino-open, pa'no magkaroon ng ganu'n,” sabi ng anak ng chairman.

Maliban sa barangay chairman, 10 iba pang nasa compound ng opisyal ang inaresto ng mga awtoridad.

Nahaharap sila sa kasong illegal possession of firearms and ammunition, at illegal possession of explosives.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.