'Bakbakan sa Marawi, nakasentro na lang sa 3 barangay'

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2017 08:43 PM | Updated as of Jul 21 2017 10:03 PM

Sa ika-60 araw ng bakbakan sa Marawi, kontrolado na umano ng militar ang Mapandi bridge na pinakamatinding kuta ng grupong Maute, at tatlong barangay na lamang ang hawak ng teroristang grupo. 

Bumisita naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tropa sa lungsod kahapon ng Huwebes upang palakasin ang kanilang morale. 

Noong Hulyo 19, napasailalim na sa 'complete control' ng militar ang Mapandi bridge na isa sa pinaglalabanang tulay sa Marawi.

"This was the foremost stronghold of the enemy and now forces have taken that location. We have established our defensive positions in order to facilitate the maneuvers of our troops," ayon sa tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi na si Lt. Col. Jo-ar Herrera. 

Nabawi na rin ng militar ang karamihan sa mga nakamkam ng grupong Maute maliban sa tatlong barangay na ngayo'y sentro ng bakbakan sa Marawi, ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. 
 
“This is where we have the built-up area, the center of the poblacion of Marawi. And so, we expect a slower advance but, nonetheless, our troops are determined and they have learned so much from the past experiences,” ayon kay Esperon. 

Sa nakalipas na dalawang buwang bakbakan, nasa 99 ang sundalong namatay, at 45 sibilyan naman ang napatay umano ng grupong Maute. 

Sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Marawi, kinausap niya ang tropa at madamdamin ang ilang bahagi ng mensahe. 

"Ako ang taong nasasaktan, talagang every night kung mabasa ko 'yong paper, nababasa ko ang bilang ng mga casualties. Maski sabihin niyo that it was I who declared martial law, at ako 'yong nag-utos dito na pumunta kayo, hindi niyo na naman trabaho kay Presidente, because of the critical condition as assessed by your military and the different department. Pero I grieve maski doon sa namatayan ng sibilyan. Not only for me, lalo na doon sa sundalo, dahil ako nga nag-utos na pumunta kayo dito para makipag-away at mamatay," ayon kay Duterte.

Ilang beses ding tinangka ng pangulo na pumunta sa Marawi ngunit napupurnada dahil sa isyu ng seguridad at sama ng panahon. 

Namigay din ng 'care packages' at relo ang pangulo sa mga sundalo.

-- Ulat ni Jeff Canoy at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.